Monday, September 27, 2010

Ewan

Ilang gabi na rin ang lumipas. Naaalala ko pa rin ang feeling habang katabi kita at tulog habang ang balikat ko'y binabalutan mo. Pareho lang din siya nung unang nangyari ang ganito.




Tulala pa rin ako at nakatingin sa dilaw na ilaw ng kwarto. Habang ikaw mahimbing ang tulog. Habang naglalakbay ang aking diwa kung saan saan at patuloy na naghahanap ng mga sagot sa mga dumadagdag na katanungan sa bawat sandaling lumilipas. Mahahanap ko na ba ang hinahanap ko? Ano kaya ang nasa panaginip mo? Masaya kaya ang panaginip mo?


Buti ka pa. Nagawa mong magpahinga kahit sa tingin ko ay hindi komportableng matulog gamit ang braso para gawing unan. Sanay ka na rin siguro sa ganito. Ganito rin kaya ang naramdaman nila nung katabi ka nila? Ayokong magkumpara pero naisip ko lang naman. Wala namang masama kung mag-isip ng ganito di ba?


Hindi ko namamalayan ang oras. Parang sandali lang ang lahat pero umabot pala ng 2 oras mahigit na ganito lang ang nangyayari. Katulad ng nakaraan.


Maya maya nagising ka na. Hinalikan ko ang iyong pisngi at tumingin sa iyong mga mapungay na mata.


Wala kang reaksyon. Wala ka man lang sinabi.


May nabuong tanong muli sa aking isipan.


Maya maya ay tumayo na ako. Alas - tres na ng madaling araw. Nakakaabala na ako. Lagpas na rin ako sa tamang oras ko ng pagtulog. Nagpaalam sayo. Hindi na ako ng lumapit at ginawa ang madalas kong gawin pag nagpapaalam ako sayo. Tingin ko ay hindi na kailangan. O kaya'y hindi ko lang feel.


Bago pa man ako lumabas ng iyong silid, nakita ko ang mga rosas na nakalagay sa isang vase. Hindi ko siya napansin nung dumating ako. Hindi na kita tatanungin. Aalis na lang ako at uuwi. Madilim na sa labas. Habang naglalakad pauwi ay ramdam ko na ang lamig ng panahon.

0 comments:

Post a Comment